SAN PABLO CITY, Laguna – Mas pinalalakas ng PhilHealth Regional Office IV-A ang kampanya nito para sa mas malawakan at abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng puspusang pagpapatupad ng mga programang Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) at Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment (GAMOT).
Sa isang Press conference session na dinaluhan ng mga kinatawan ng media at iba pang stakeholders, ipinaliwanag ng mga opisyal ng PhilHealth ang mga benepisyong hatid ng dalawang programa na bahagi ng pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) Act.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Grace D. Ramilo, Head ng PhilHealth Local Health Insurance Office (LHIO) San Pablo City, ang kahalagahan ng pagpapalawak ng impormasyon tungkol sa mga benepisyo ng PhilHealth.
“Hindi magiging ganap na matagumpay ang ating mga programa kung hindi natin maipapaabot ang tamang impormasyon sa ating mga kababayan. Mahalagang patuloy nating palawakin ang kamalayan tungkol sa Universal Health Care at sa mga produktong, serbisyo, programa at benepisyong hatid ng PhilHealth,” ani Ramilo.
Ipinaliwanag naman ni Zyra Aizel A. Perez sa kanyang talakayan tungkol sa PhilHealth GAMOT na layunin ng bagong healthcare delivery system na ilipat ang pokus mula sa tradisyunal na hospital-based healthcare tungo sa mas proactive at preventive primary care system.
Ayon kay Perez, hinihikayat ng PhilHealth ang mga miyembro na regular na magpakonsulta at magpa-check-up kahit wala pang nararamdamang sakit upang maagapan ang mga posibleng karamdaman at mapanatili ang mabuting kalusugan.
Sa ilalim ng PhilHealth YAKAP, maaaring makatanggap ang mga miyembro at kanilang mga dependent ng primary care consultation, assessment mula sa kanilang napiling YAKAP clinic, 13 basic outpatient laboratory tests, at anim na uri ng cancer screening tests para sa maagang pagtuklas ng mga seryosong sakit.
Kabilang sa mga laboratoryong sakop ng programa ang Complete Blood Count (CBC), Lipid Profile, Fasting Blood Sugar, Chest X-Ray, Electrocardiogram (ECG), Urinalysis, Pap Smear, Fecalysis, at iba pa.
Samantala, kabilang sa mga cancer screening services ang Breast Ultrasound, Mammography, Alpha Fetoprotein Test, Liver Ultrasound, Colonoscopy, at Low-Dose Chest CT Scan.
Sa ilalim naman ng PhilHealth GAMOT Program, maaaring makatanggap ang bawat miyembro ng hanggang P20,000 halaga ng mga pangunahing gamot kada taon. Sakop nito ang 54 na klase ng essential medicines kabilang ang mga gamot para sa hypertension, diabetes, hika, cardiovascular diseases, impeksyon, at iba pang karaniwang karamdaman.
Ayon sa PhilHealth, ang 21 essential medicines ay maaaring makuha sa napiling YAKAP clinic habang ang iba pang gamot ay makukuha sa mga accredited GAMOT providers at partner pharmacies.
Patuloy ding pinalalawak ng ahensya ang network ng mga healthcare facilities sa Region IV-A upang mas maraming mamamayan sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon ang makinabang sa mga programa.
Sa kasalukuyan, mayroong 296 YAKAP providers sa rehiyon, kung saan 265 ang ganap nang YAKAP-ready matapos makasunod sa mga itinakdang readiness requirements ng PhilHealth. Mayroon na ring 223 accredited GAMOT providers at partner pharmacies na handang magbigay ng mga libreng gamot sa mga kwalipikadong miyembro.
Upang mapakinabangan ang mga benepisyo ng programa, kinakailangang magpatala ang mga miyembro sa isang YAKAP provider sa pamamagitan ng eGovPH mobile application o sa pinakamalapit na PhilHealth Local Health Insurance Office, sumailalim sa First Patient Encounter, lumagda sa YAKAP Empanelment Slip, at regular na magpakonsulta sa kanilang napiling primary care clinic.
Ayon sa PhilHealth, ang patuloy na pagdami ng mga YAKAP at GAMOT facilities sa Region IV-A ay patunay ng kanilang dedikasyon na mailapit ang serbisyong medikal sa mga komunidad at matiyak na ang bawat pamilyang Pilipino ay may akses sa de-kalidad at abot-kayang pangangalagang pangkalusugan.
Sa media forum, ipinaliwanag ni Dr. Edwin M. Oriña, Acting Regional Vice President ng PhilHealth Region IV-A, sa mga kinatawan ng media ang kahalagahan ng paggamit ng QR codes upang mas mapadali ang pag-access ng publiko sa impormasyon tungkol sa mga accredited YAKAP at GAMOT providers sa rehiyon.Ayon kay Dr. Oriña, sa pamamagitan ng QR codes ay mabilis nang makikita ng mga miyembro ng PhilHealth ang listahan ng mga accredited healthcare facilities, primary care clinics, at partner pharmacies na maaaring magbigay ng mga serbisyong saklaw ng YAKAP at GAMOT programs.
“Layunin nating gawing mas madali at mas accessible para sa ating mga miyembro ang paghahanap ng mga pasilidad na maaaring nilang puntahan. Sa simpleng pag-scan ng QR code gamit ang kanilang mobile phone, makikita nila agad ang mga accredited providers at mga serbisyong maaari nilang mapakinabangan,” paliwanag ni Dr. Oriña.
Samantala, binigyang-diin naman ni Arturo C. Ardiente, Field Operations Division Chief, ang patuloy na pagpapalawak ng network ng mga YAKAP providers sa Region IV-A upang mas mailapit ang mga serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.
Ipinaliwanag ni Ardiente sa media na mahalagang magkaroon ng sapat na bilang ng mga accredited YAKAP providers upang matiyak na ang bawat miyembro ay may access sa primary care services, laboratory examinations, cancer screening, at iba pang preventive healthcare services na saklaw ng programa.
“Patuloy nating hinihikayat ang ating mga kababayan na magparehistro sa kanilang napiling YAKAP provider upang magkaroon sila ng regular na primary care physician na magsisilbing unang katuwang nila sa pangangalaga ng kanilang kalusugan. Ito ang isa sa mga pangunahing layunin ng Universal Health Care program,” ani Ardiente.
Kaya Po Tayo nandito with the Media para maiparating sa ating mga kababayan bilang partner natin para sa information dissemination at makatulong at sa ating mga kababayan.
Dagdag pa niya, ang paggamit ng QR codes at iba pang digital platforms ay bahagi ng modernisasyon ng serbisyo ng PhilHealth upang mas maging mabilis, episyente, at madaling maabot ng publiko ang mga benepisyong nakalaan para sa kanila.
