PBBM Pinangunahan ang Pagpapalawak ng Benepisyo ng PhilHealth para sa de-kalidad na Serbisyong Pangkalusugan

PASIG CITY — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsusulong ng mas malawak na access ng mga Pilipino sa de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng pinalawak na suporta ng PhilHealth sa mga pribadong ospital, sa kanyang pagbisita sa The Medical City (TMC) sa Ortigas, Pasig nitong Lunes.

Kasama sina PhilHealth President and CEO Dr. Edwin M. Mercado at The Medical City Group CEO Dr. Stuart A. Bennett, nilibot ng Pangulo ang iba’t ibang pasilidad ng ospital upang makita ang aktwal na epekto ng mga reporma sa healthcare financing at ang paglawak ng benepisyong natatanggap ng mga pasyente sa ilalim ng PhilHealth.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng PhilHealth Outpatient Emergency Care Benefit Package, isa sa mga pangunahing repormang ipinatupad noong 2024, na nagbibigay ng tulong pinansyal sa emergency services kahit hindi ma-confine ang pasyente.

Mainit na tinanggap ng Pangulo ang inisyatibo ng The Medical City na nagtayo ng panibagong Alfredo R.A. Bengzon Patient Access Ward para sa mga miyembro ng PhilHealth. Ito ay isang hakbang upang mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng access sa dekalidad at world-class na serbisyong medikal.

Sa kanyang pag-iikot, nakipag-usap din si Pangulong Marcos sa mga nakinabang sa pinalawak na maternity care package ng PhilHealth, na nakatulong nang malaki sa pagbawas ng gastusin sa panganganak at pagpapabuti ng maternal healthcare services.

Habang lumalawak ang benepisyo ng PhilHealth, inaasahan na susundan ng mas maraming pribadong pasilidad ang halimbawa ng TMC — sapagkat ang pagtutulungan ng pamahalaan at ng sektor ng kalusugan ang susi upang maging karapatan, hindi pribilehiyo ng iilan, ang world-class na pangangalaga para sa bawat Pilipino.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *