MGA EPAL NA BARANGAY OFFICIAL, MAAARING MASUSPINDE AYON SA DILG

Pinayuhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang publiko na ihain sa wastong forum ang mga reklamo laban sa mga lokal at barangay official na umano’y “epal” o gumagamit ng mga proyektong pinondohan ng pamahalaan para sa pansariling interes.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, ang mga reklamong may kaugnayan sa pagiging “epal” ng mga opisyal ay maituturing na administratibong kaso at maaaring humantong sa preventive suspension o tuluyang suspensyon. Hinikayat din niya ang mamamayan na huwag matakot magsampa ng reklamo laban sa mga opisyal na lumalabag sa tamang paggamit ng pondo at proyekto ng gobyerno.

Ipinaliwanag ng DILG na ang pagsasampa ng reklamo laban sa mga erring elected at appointed barangay officials ay dapat sumunod sa mga itinakdang proseso sa ilalim ng Republic Act No. 7160 o ang Local Government Code of 1991.

Ayon kay DILG–National Barangay Operations Office Director Dennis Villaseñor, ang mga reklamo laban sa mga halal na barangay official tulad ng punong barangay, mga kagawad ng sangguniang barangay, at SK chairperson ay maaaring ihain sa sangguniang panlungsod o sangguniang bayan na may hurisdiksiyon sa kanilang lugar.

Batay sa Section 61 (c) ng Local Government Code, ang desisyon ng sangguniang panlungsod o bayan ukol sa reklamo laban sa isang elective barangay official ay itinuturing na pinal at agad na ipinatutupad. Maaari ring ipataw ang isang beses na preventive suspension na maaaring tumagal ng hanggang 60 araw kung malakas ang ebidensiya ng pagkakasala.

Dagdag pa ni Villaseñor, maaari ring magsampa ng reklamo ang publiko sa Office of the Ombudsman, alinsunod sa Republic Act No. 6770, na nagbibigay rito ng kapangyarihang disiplinahin ang lahat ng halal at itinalagang opisyal ng pamahalaan, kabilang ang mga barangay official.

Gayunman, mariing pinaalalahanan ng DILG na hindi dapat ihain ang parehong reklamo sa magkaibang forum, gaya ng sanggunian at Ombudsman, sapagkat maaari itong maibasura dahil sa tinatawag na “forum shopping.”

Binigyang-diin din na kinakailangang magsumite ng pormal na reklamo na may sapat na dokumento at ebidensiya upang umusad ang kaso at mabigyan ng nararapat na aksiyon ng kinauukulang ahensiya.

Photo: Daily Tribune; RTVM (Facebook)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *