LGU, Katuwang ang Yes-To-Life Foundation, Nagtanim ng 100 Artificial Coral Reefs para Palakasin ang Marine Biodiversity

Rosario, Cavite – Bilang bahagi ng patuloy na inisyatiba para sa pangangalaga ng yamang-dagat, nagtanim ang lokal na pamahalaan, katuwang ang Yes-To-Life Foundation, ng 100 artificial coral reefs sa karagatang nasasakupan nito nitong Nobyembre 18, 2025 sa Isla Bonita, Rosario, Cavite.

Layunin ng proyekto na tulungan ang muling pagbangon ng mga sirang bahura at palakasin ang marine biodiversity sa lugar.

Ayon sa LGU, ang paglalagay ng mga artipisyal na coral reefs ay tugon sa lumalalang epekto ng polusyon, overfishing, at climate change na nagdulot ng pagkasira ng mga natural na coral reef. Ang mga bagong istrukturang itinanim sa ilalim ng dagat ay magsisilbing bagong tirahan at breeding ground ng iba’t ibang species ng isda at iba pang lamang-dagat.

“Mahalaga na mapangalagaan natin ang ating karagatan dahil dito nakadepende ang kabuhayan at pagkain ng marami sa ating mga kababayan,” pahayag ni Benjie Tayag, Founder ng Yes-to-Life Foundation.

“Ang proyektong ito ay hakbang para matiyak na may masaganang yamang-dagat pa rin ang susunod na henerasyon”, pahayag naman ni Nestor Llanosa, Menro Coordinator.

Nagsagawa rin ng orientation at pagsasanay ang LGU, kasama ang mga volunteer divers, mangingisda, at katuwang na Yes-To-Life Foundation, upang matiyak ang tamang paglalagay at pangangalaga ng mga artificial reef. Katuwang sa proyekto ang ilang environmental groups at stakeholders mula sa pribadong sektor.

Ipinapakita ng mga pag-aaral na ang mga artipisyal na coral reefs ay epektibong nakatutulong sa muling pagdami ng isda at pagpigil sa tuluyang pagkasira ng marine ecosystem, lalo na sa mga lugar na matagal nang naapektuhan ng destructive fishing at sedimentation.

Plano ng LGU, kasama ang Yes-To-Life Foundation, na dagdagan pa ang bilang ng mga artificial reef sa mga susunod na buwan at palawakin ang monitoring program upang patuloy na makita ang aktwal na epekto nito sa marine life.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *