Imus Cavite – Ginunita ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (National Historical Commission of the Philippines) ang ika 125 Anibersaryo ng Pambansang Araw ng Watawat sa Dambana ng Pambansang Watawat ng Pilipinas ( Imus Heritage Park ) sa pamumuno ng Alkalde ng Imus na si Mayor Alex “AA” Advincula at Tagapangulo ng NHCP na si Dr. Emmanuel Franco Calairo.
Sa naturang selebrasyon, pinangasiwaan ng Hukbong Dagat ng Pilipinas ang pagtataas ng watawat at pinangunahan naman ng panauhing pandangal, Senador Francis Tolentino, ang pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Inang Laya kasama sina Dr. Calairo, Mayor Advincula at kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Cavite, Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula.
Nakiisa rin dito ang miyembro ng Sanggunian Panglungsod ng Imus, mga department heads, unit heads at iba pang mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Imus.
Ang taunang paggunita ay nagbibigay pugay sa kagitingan at katapangan ng mga Pilipinong nakipaglaban para sa kalayaan noong Mayo 28, 1898 sa Labanan sa Alapan.
Ang naturang araw ay panimulang pagdiriwang din ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga Araw ng Bandila na tumatagal hanggang Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12, alinsunod sa Kautusang Ehekutibo Blg. 179 taong 1994.
Sa temang “Kalayaan.Kinabukasan.Kasaysayan,” ipinagdiriwang ngayong taon ang ika- 125 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.(jerry guina)
