Cayetano, Biñan LGU nagsama para tulungan
ang higit isandaang sari-sari store owner

Nagsama ang opisina ni Senador Alan Peter Cayetano , ang Pamahalaang Lungsod ng Biñan, Laguna, at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 4 sa pagtulong sa higit isandaang sari-sari store owner para sa pagpapalago ng kanilang maliliit na negosyo sa ilalim ng Sari-saring Pag-Asa Program (SSP).

Ginanap ang pamamahagi nitong Miyerkules, March 8, 2023, sa pamumuno ng opisina ni Cayetano at sa pakikipag-ugnayan ng DSWD sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis (AICS) Program nito.

Sa ilalim ng SSP na flagship program ni Cayetano para sa mga maliliit na negosyo, nakatanggap ang bawat store owner ng P3,500 at booklet na nagpapaliwanag sa programa at nagbibigay ng mga tip kung paano nila palalaguin ang kanilang negosyo.

Bilang isang tagasuporta ng mga programang nagtutulak ng sustainable livelihood, naniniwala si Cayetano na “hindi sapat na bigyan ng isda ang mamamayan – dapat turuan rin silang mangisda.”

Ayon kay Maria Delia Romero, isa mga beneficiary ng programa na nakatanggap ng tulong na ipinamahagi sa city congressional district office sa Barangay Poblacion, itinuturing niyang “good surprise” ang tulong.

“Nagpapasalamat po tayo sa Diyos sa pagkakataong ito na di inaasahang biyaya ay bigla po naming nakuha. Nagpapasalamat din po ako kay Congresswoman Len Alonte-Naguiat, at Senators Alan Peter Cayetano at Pia Cayetano,” sabi ni Romero.

Nagpasalamat naman sa Diyos si Aniceta Sumagui Mangilin dahil malaking tulong ang SSP sa kanyang pamilya.

“Unang una po, nagpapasalamat tayo sa Panginoon Diyos na sa araw na ito ay hindi po namin inaasahan na mabibigyan kami ng biyaya na galing kay Senator Alan Peter Cayetano at Senator Pia Cayetano, Congresswoman Len, Mayor Arman (Dimaguila), and Vice Mayor Gel. Ito po ay malaking tulong sa aming pamilya. God bless!” ani Mangilin.

Sinabi naman ni Ruby Amoranto na malaki ang pasasalamat niya sa dagdag-puhunan na ibinigay sa kanila para mapalago ang kanilang maliit na negosyo.

“Nagpapasalamat po ako sa aming mahal na congresswoman na si Cong. Len Alonte at kay Senator Pia at Alan Peter Cayetano sa dagdag puhunan. God bless you po!” sabi niya.

Ginanap ang pamamahagi ng tulong sa pakikipagtulungan nina Biñan City Lone District Rep. Marlyn “Len” B. Alonte-Naguiat, City Vice Mayor Angelo “Gel” B. Alonte, at City Administrator Cherry Alonte-Nunez. PR

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *