Voucher bill para sa mga mag-aaral, hango sa panukala ni Sen.Cayetano.

Umusad na sa plenaryo ng Senado nitong Lunes ang panukalang voucher program ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at ng iba pang mga senador na layong tulungan ang mas maraming mahihirap na pamilyang Pilipino na mapag-aral ang kanilang mga anak sa pribadong K to 12 schools.

Sa ilalim kasi ng Senate Bill No. 1981, ang mga estudyante mula sa mga siksikang pampublikong paaralan ay tatanggap ng government-funded voucher na magagamit nila para makapag-enroll sa government-recognized private school na kanilang nais.

Alinsunod sa panukala, ang halaga ng bawat voucher ay itatakda ng Department of Education (DepEd) at sapat para sagutin ang mga gastusing kailangan ng benepisyaryo para makapag-aral sa pribadong paaralan.

Prayoridad sa programa ang mga mag-aaral mula sa low-income households.

Ang SBN 1981 ay binuo mula sa walong magkakahiwalay na panukalang batas, kabilang ang Senate Bill No. 422 o The Learner’s Choice (TLC) in Private Basic Education Act of 2025 na inihain ni Cayetano noong July ng nakaraang taon at hango sa matagumpay na voucher program ng Taguig City.

Sa kanyang sponsorship speech noong March 16, pinasalamatan ni Basic Education Committee Chairperson Senator Bam Aquino si Cayetano at ang iba pang co-authors ng panukala.

“Karangalan po na magkakasama tayo sa laban para sa de-kalidad na edukasyon para sa ating bansa,” pahayag ni Aquino.

Sa panukalang TLC Act of 2025 ni Cayetano kinuha ng komite ang ideyang unahin ang mga estudyante sa mga “congested” na pampublikong paaralan, upang makatulong na resolbahin ang matagal nang pagsisiksikan sa mga public school.

Isinama rin sa SBN 1981 ang mga penalty provision mula sa bersyon ni Cayetano upang maiwasan ang ghost learners, pagkaantala sa proseso, at ibang uri ng pandaraya o korapsyon.

Ayon kay Cayetano, na dating co-chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), mahalagang hakbang ang panukala para matiyak ang karapatan ng bawat Pilipino sa accessible at de-kalidad na basic education sa ilalim ng Konstitusyon.

“Basic education, especially the early years of a child’s instruction, is important in shaping their future,” pahayag niya.

“So I’d like to see the day na kapag pinanganak ka sa Pilipinas, regardless kung ano apelyido mo, kung mayaman ka o hindi, if you want to go to the best private school sa inyong province or city, you’ll have the opportunity to do that,” dagdag niya.

Sa ilalim ng SBN 1981, awtomatiko ring makakatanggap ng voucher ang mga “disadvantaged learners” tulad ng persons with disabilities, mga ulila, at mga estudyanteng nakatira sa mga liblib na lugar.

Hindi tulad ng kasalukuyang subsidiya sa ilalim ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act (E-GASTPE) kung saan nakatali sa mga paaralan at sa nakalaang slots ang tulong, ang panukalang voucher ay learner-held at portable.

Ibig sabihin, pamilya mismo ang makakapili kung saan mag-aaral ang kanilang anak.

Para tulungan ang mga pamilya sa tamang pagpili ng papasukang paaralan, maglalabas ang DepEd ng public database ng mga pribadong paaralang kalahok sa programa, kasama ang tuition fees, program tracks, at key performance indicators.

Nakatakdang talakayin ang Senate Bill No. 1981 sa mga susunod na sesyon ng plenaryo, kung saan plano ni Cayetano na mag-interpellate at magmungkahi ng mga amyenda sa panukala.(TDA)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *