OMB dapat ng buwagin – Jinggoy

DAHIL wala na umanong saysay ang mandato ng Optical Media Board (OMB) na ang pangunahing tungkulin ay labanan ang pamimirata ng mga pelikula, inihain ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang Senate Bill No. 1904 na nagpapanukala sa pagbuwag ng ahensya. 

Sabi ng Senador, bukod sa technological advancements na nagpabago sa media landscape, lipas na panahon na ang paggamit ng mga video tape at mga compact disc, kung saan sa ngayon ang mga pelikula at television series ay pinapalabas gamit ang digital at online platforms, at streaming services kaya hindi na makabuluhan o naaayon sa kasalukuyang panahon ang mandato ng OMB.

Sa kanyang panukalang “An Act Abolishing The OMB, Created by Virtue of Republic Act 9239, Otherwise Known as The Optical Media Act of 2003, And For Other Purposes, ipinaliwanag ng Senador na ang mandato ng OMB ay puksain ang paglaganap ng film piracy, na ang ginagamit noon ay optical media na lubhang nakaapekto sa operasyon ng mga sinehan sanhi ng napakababang bilang ng mga manonood, ganundin ang malaking pagkalugi ng gobyerno.

Sa nakalipas na limang taon ay nakita ang epekto ng makabagong teknolohiya sa paghina ng operasyon ng OMB sa larangan ng pagsamsam ng mga pinipiratang optical disc data storage dahil hindi na ito ginagamit at tinatangkilik sa industriya.

Sa bisa ng RA 9239 ay na reorganize ang Videogram Regulatory Board (VRB) na nagbigay daan naman sa pagbuo ng OMB upang proteksiyunan at isulong ang intellectual property rights.

Para matugunan naman ang maaapektuhang mga tauhan ng OMB, iminungkahi ni Estrada na i-absorb ng FDCP ang ilan sa kanila, habang ang ilan naman ay ilipat sa ibang ahensya o bigyan ng separation benefits sakaling piliin na lang ng mga ito ang magretiro na sa serbisyo. (BENJIE J. MURILLO)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *