Mas pinaigting ng Philippine National Police Regional Office IV-A ang pag-aksyon upang makamit ang payapa at ligtas na Midterm National and Local Elections (MNLE) 2025 na gaganapin sa Mayo 12 ngayong taon.
Sa isinagawang press briefing nitong Pebrero 3 na pinangunahan ni Deputy Chief PNP for Operations, Police Lieutenant General Robert T Rodriguez, umabot sa 3,138 mga baril ang boluntaryong dinala at isinuko sa mga awtoridad sa buong Calabarzon simula Setyembre 25, 2024 hanggang Enero 31.
Bahagi ito ng implementasyon ng IMPLAN F.E.E.L. S.A.F.E.R o Firearms and Explosives from Candidates/Supporters/Kins/Juridical for Safekeeping and Disposal: An Effort Leading to Secure, Accurate, and Fair Elections na ipinapatupad ng PNP sa Calabarzon, sa pakikipagtulungan sa Commission on Elections (COMELEC) alinsunod sa umiiral na Gun Ban.
Kasabay nito ay ibinahagi rin ng PRO Calabarzon ang resulta ng iba pang programang kanilang isinasagawa tulad ng pagpapatupad ng search warrants, checkpoint operations, police patrol, Oplan Bakal kung saan nakumpiska ang tinatayang 414 mga baril at nahuli ang 313 indibidwal. Gayundin ang Oplan Katok na umabot naman sa 1,187 firearms ang boluntaryong ibinigay para sa pag-iingat ng mga kapulisan.
Pinaalalahanan naman ni PRO IV-A Deputy Regional Director for Administration, PCOL Melvin G Napiloy ang publiko na ipinagbabawal ang hindi awtorisadong pagdadala ng baril tuwing eleksyon at sinumang mapatunayan na lumabag dito ay mahaharap sa karampatang kaparusahan.
Dumalo rin upang magpahayag ng pakikiisa at suporta para sa payapa at maayos na halalan sina NAPOLCOM Regional Director Atty. Owen G. De Luna, COMELEC IV-A Assistant Regional Director Margaret Joyce Reyes-Cortez, OIC, ODRDO PCOL Dominic L Baccay, NPTI Director PMGEN Ronald O Lee, at DILG IV-A LGOO IV Engr. Allan A. Salvatus.