Iginawad ng Philippine Red Cross (PRC) kay City Mayor Arlene B. Arcillas ang Doña Aurora Aragon Quezon Award bilang pagkilala sa natatangi nitong kontribusyon sa institusyon, maging sa mga hangarin at adhikain nito partikular na ang pagsagip ng mga buhay sa panahon ng sakuna at iba pang kagipitan.
Sa parangal na ginanap noong ika-18 ng Abril, malugod na ibinahagi ni Mayor Arlene ang kanyang naging suporta sa PRC, lalong lalo na sa PRC – Laguna Chapter, sa loob ng labing-anim (16) na taon bilang punonglungsod at Honorary Chairman ng Red Cross 143 sa lungsod.
Ilan sa mga suportang ibinibigay ng lungsod, sa pangunguna ni Mayor Arlene, ay ang regular na bloodletting; ang pag-eenrol sa mga mga mag-aaral ng lungsod mula Kindergarten hanggang Senior High School bilang mga Red Cross members magmula pa noong taong 2007; at ang pakiki-isa sa iba’t ibang training, programa at proyekto ng Red Cross.
Bahagi rin nito ay ang itinatayong Red Cross Blood Bank Building sa lungsod na naglalayong mailapit sa mga mamamayan ng lungsod at ng mga karatig-bayan ang mga serbisyo ng PRC gaya ng disaster response, recovery at psychosocial first aid.(City Information Office-Santa Rosa)