Okay din naman maging mapagkawanggawa at mabait sa kapwa. I-try nating lahat minsan.
Ito ang naging magaang na tugon ni Senator Alan Peter Cayetano sa mga netizen na ginamit ang kanyang Facebook post bilang pagkakataon para makapagbiro tungkol sa panukalang Sampung Libong Pag-asa o 10K Ayuda Bill niya.
Kantyaw ng isang commenter, hindi pa raw nakakalimutan ng mga tao ang pangako umano ni Cayetano noong Halalan 2022 na magpamigay ng P10,000 kada pamilya. Naging laganap kasi noong nakaraang taon ang maling akala na dole-out ang initiative na ito ng senador.
Bwelta ng senador, maging siya ay naghihintay din sa 10K Ayuda dahil ito ay isang legislative measure at isang panawagan na naging popular noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
“That’s why we’re pushing it sa Senate! Government has already admitted that they have the money but they don’t want to distribute it like Bayanihan 1,” ani Cayetano, na tinutukoy ang unang pandemic aid bill ng Duterte administration na ipinasa noong panahon niya bilang House Speaker.
Dagdag pa niya, habang hindi pa natatalakay ng Senado ang Sampung Libong Pag-asa bill ay ginagawa na niya ang kanyang makakaya upang tumulong sa mga nais magtayo o magpalago ng maliit na negosyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng P10,000 pangpuhunan sa mga beneficiary ng kanyang Sampung Libong Pag-asa program.
Hinikayat din ni Cayetano ang naturang commenter na mag-ambag na lang at tumulong sa kapwa sa abot ng kanyang makakaya, katulad ng paulit-ulit na apela ng senador sa mga manonood ng kanyang Sampung Libong Pag-asa program sa Facebook.
“If may extra ka, try it, donate ka din sa mga nangangailangan,” wika ng senador.
Nag-post ng selfie si Cayetano noong March 24 sa kanyang Facebook page kung saan kasama niya si GMA Sparkle actress Shuvee Etrata. Sa kanyang photo caption, pinuri ng senador ang mga kabataan na “humble, hardworking, kind, respectful, mindful and eager to learn.” “Maraming comments and criticism about young people, about the next generation. Then you meet great examples of their generation,” aniya.
“Let’s learn from them. Huwag kaya tayo nega? Smile lang,” dagdag ng senador. (PR)