Bilang pagtupad niya sa paninindigang hindi dapat kinakalimutan ang mga nasalanta ng mga nakaraang sakuna, nagpaabot ng tulong si Senador Alan Peter Cayetano nitong Huwebes sa daan-daang biktima ng baha sa Noveleta, Cavite.
Ang 248 na residente na nabiktima ng severe tropical storm Paeng na tumama sa rehiyon noong Oktubre 2022 ay nakatanggap ng tig-P3,000 na cash assistance sa ilalim ng programang Emergency Response Department (ERD) ni Cayetano.
Nagkaroon din ng help desk kung saan naidulog ng mga residente ang kanilang mga gastusing medikal, kabilang na ang mga bayarin sa ospital, bayad sa pagpapa-laboratoryo, mga medical procedure, at mga gamot.
Ang ERD at ang medical help desk ay bahagi ng magkatuwang na inisyatibo nina Senador Alan at Pia Cayetano na ‘Bayanihan Caravan,’ na bumibisita sa iba’t ibang bahagi ng bansa para magbigay ng iba’t ibang tulong sa mga pamilyang Pilipino na nangangailangan.
Si Roslyn Caranto, isa sa mga nakatanggap, ay nagpasalamat sa magkapatid na Cayetano sa “malaking tulong.”
“Maraming salamat po dahil makakatulong po ito sa akin sa pagkain at pang-gastos araw-araw,” ani Caranto.
Ang ibang mga nakatanggap ay nagsabing gagamitin din ang nakuhang tulong sa mga pangunahing pangangailangan ng pamilya at sa eskwela ng kanilang mga anak.
In-organisa ang caravan sa tulong nina Noveleta Vice Mayor Arlynn Torres, Councilor Dave Manalo, at Rev. Emer Jason Grepo. PR