Mas marami pang mangingisda sa Cavite, nabigyan ng cash aid ng SMC

Aabot nasa 2,000 benepisyaryo ang nabigyan ng San Miguel Corporation ng buwanang cash assistance sa lalawigan ng Cavite sa ilalim ng programa na P500-M ‘Handog Tulong Pinansyal Para sa Mangingisda.” Sinimulan ng San Miguel Aerocity Inc. (SMAI) ng SMC ang programa matapos ang buwanang food assistance para sa 8,000 pamilya ng mga mangingisda sa mga bayan ng Rosario, Tanza, Naic, at Ternate. Ang programa ng kumpanya ay sang-ayon na social and environmental performance standards ng International Finance Corporation (IFC) para sa New Manila International Airport (NMIA) project na itatayo sa Bulakan, Bulacan. Sa ilalim ng programa, mga 5,000 pamilya ng mangingisda ang mabibigyan ng buwanang cash assistance na P5,000 hanggang sa matapos ang operasyon ng kumpanya sa San Nicolas Shoal sa susunod na taon o taong 2024. May bilang na 1,074 pamilya mula sa Tanza at 658 na may-ari ng mga bangka na gamit sa pangingisda mula sa Rosario ang inisyal na nailista sa programa matapos ng sarbey at proseso ng selection at validation ng mga lokal na opisyal at mga lider ng grupo ng mangingisda. Popondohan rin ng SMAI ang Social Development Management Program (SDMP) para sa mga naturang lugar na may mga kurso tulad ng garment production at soap making, scholarships para sa mga anak ng mangingisda, at construction-based training sa pakikipagtulungan sa Technical Education Skills and Development Authority (TESDA). May mga programa rin ang kumpanya upang mabigyan ng hanapbuhay ang mga kasapi sa apektadong komunidad at maging ang kanilang mga kapamilya sa airport project. Sa tulong ng mga eksperto ay bibigyang atensyon rin ng SMAI ang programa para sa site rehabilitation at restoration para maibsan ang epekto ng proyekto sa kapaligiran. Makikipagtulungan rin ang kumpanya sa isang third party organization at sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang pagaralan kung paano mapaparami pa ang huli ng isda sa naturang shoal matapos ang operasyon ng Boskalis na kontraktor ng SMAI. Sa kasalukuyan, ang SMAI lamang ang naglatag ng mga programa para sa cash at food assistance sa mga apektadong komunidad mula mga kumpanya na may operasyon sa San Nicolas Shoal. “We are constantly in touch with local government officials, and concerned national agencies to ensure that all needed measures and assistance for affected fisherfolk communities are implemented immediately and consistently during our operations, and with further emphasis on mitigating the impacts to the immediate environment during and even after our operations,” wika ni Ramon S. Ang, SMC President and Chief Executive Officer. Pinaalalahanan rin ang mga mangingisda na sumunod sa safety protocols habang nangingisda sa paligid ng San Nicolas Shoal kung saan may operasyon rin ang Royal Boskalis Westminster N.V. Binigyan ng SMAI at Boskalis ang mga mangingisda ng mga gamit pang-kaligtasan tulad ng radar reflectors, life vests, life buoy rings, foam buoys, led lights, at rechargeable batteries.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *