HALOS 80 BAGON NA DUMATING PARA SA LRT-1 CAVITE EXTENSION, DEPEKTO -DOTR

Kasalukuyang hindi nagagamit ng gobyerno ang halos 80 tren cars o bagon na binili nito noong administrasyong Duterte para sa proyektong LRT Line 1 dahil sa pagtagas ng tubig.

Ibinunyag ito ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Railways Cesar Chavez noong Huwebes, na sinabing nagpasya ang administrasyong Marcos noong Hulyo na suspendihin ang mga pagbabayad para sa bilyun-bilyong pisong halaga ng mga light rail vehicle na inihatid ng isang pribadong contractor noong 2021.

“Nung dumating ho dito ay hindi po natin nagagamit sapagkat ang otsenta na dumating sa ating bansa ay may water leak,” aniya sa naganap na House Hearing.

Nang tanungin upang kumpirmahin kung ang lahat ng 80 sasakyan ay may depekto, sinabi ni Chavez, “Most of them. In fact, in the report, halos lahat po sila”

Ayon sa opisyal, ang mga sasakyan ay ginawa ng Mitsubishi ng Spanish firm na Construcciones y Auxiliar de Ferrocarriles, S.A.

Ang 80 na dumating ay bahagi ng 120 train cars sa ilalim ng ₱12-billion procurement deal para sa LRT-1, partikular para sa Cavite Extension project, noong ang DOTr ay pinamumunuan ni dating Secretary Arthur Tugade. Samantala, ang natitirang 40 ay hindi pa naihahatid.

Paliwanag niya, ang paghihigpit na dulot ng pandemya ng COVID-19 ang naging dahilan kaya inalis ng DOTr ang karapatang inspeksyunin ang mga railway cars kung may mga depekto bago ang kanilang paghahatid sa Pilipinas.

“Nangyari po ito sa panahon ng pandemic na hindi nakapagpadala ang ating pamahalaan para sa factory acceptance test,” saad ni Chavez.

“Ang tingin ko dapat sinuspend muna (ang delivery) kung hindi naman mai-inspect,” dagdag pa nya.

Sinabi ni Chavez sa mga mambabatas na iniutos na nila sa contractor na ayusin ang mga depekto sa lalong madaling panahon.

Nilinaw din niya na sasagutin ng kompanya ang mga gastos na kailangan sa pag-aayos ng mga sasakyan ng tren.

Sinabi niya na ang gobyerno ay nagbayad na ng humigit-kumulang ₱6 bilyon at hindi pa naibibigay ang balanse na isa pang ₱6 bilyon ay nakabinbi habanng isinasagawa ang pagwawasto sa mga depektibong bagon.

“Hindi pa po tapos ang kontrata, and therefore, may panahon pa po sila na i-rectify,”aniya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *